Sana ang pagsusulat na lang

Haaayyy...
"Sana ang pagsusulat na lang"
Sana ang pagsusulat na lang ay kagaya nang pagsulat mo sa formal theme writing. Sana yung pagsulat sa telebisyon ay kagaya ng pagsulat lang sa noon sa eskwelahan kung saan malayang malaya ka sa lahat. Walang pressure. Ang deadline, ring lang ng bell o mas masarap pag assignment pa. Masarap yung hindi mo pa alam na "manunulat" ka pala. Yung hindi mo pa iniisip ang pagtanda. Yung hindi mo pa iniisip ang traffic. Ang savings na nagagalaw mo. Ang bayad kay Oppa at kay Aling Judith. Yung wala ka pang iniisip na bilbil pag bumibili ka ng damit. Dahil hindi pa ikaw ang bumibili ng damit mo kundi si nanay. Yung hindi mo pa iniisip na tatanda pala si nanay, si tatay, si lolo, si lola at mamatay ka din sa huli. Yung ang iyak mo lang kasi hindi mo natapos ang palabas sa tv kasi pinapatulog ka na ni tatay. O yung iyak mo nun na pinagsarhan kayo ng bintana kasi wala nga kayong tv. Yung hindi ka pinayagang makasama sa field trip kasi wala kayong pera. Yung inggit ka lang sa magandang pantasa ng classmate mong anak ng teacher nyo.
Ang sarap magsulat... noong lapis pa ang gamit mo. Yung wala kang pakelam kung staedtler ang tatak ng pambura mo. Kasi konting mali pwede namang itama. Ang sarap paganahin ang utak mo sa mga pages ng writing notebook mo. Yung magdodrowing ka lang bahay, may bundok at araw na nakangiti. Yung panahong mga inggitera lang ang tinatawag na bashers. At teacher mo lang boss mo. Yung pahiya ka na pag pinakain ka ng chalk at hinubaran sa harap ng mga classmate mo kasi mali ka. Yung panahong wala pang viral video kundi photographic memory langang meron ka. Yung dinodrowing mo lang sa luma mong notebook ang napanood mo sa tito mong nanunuod ng 'bold' kaya tawa kayo nang tawa ng bestfriend mong babakla-bakla pa noon pero tatlo na anak ngayon. Yung uso pa yung loveletter sa mabangong stationery na binili mo sa tinitinda sa harap ng school na isusulat mo pa yung lyrics ng usong kanta noon sa likod. Yung hobbies mo lang dati ay P.E.D.R.O.S. at pagandahan ng acronym sa Dedication ng slumbook pero ang pinakasikat pa rin ay yung J-ust A-lways P-ray A-t N-ight. Yung pinakakakabang bagay lang sa buhay mo ay wag tawagin ang pangalan mo ni Mam kinabukasan. Peri matutuwa ka kapag inutusan ka nyang isulat sa blackboard kung ilan ang present at absent sa araw na yun kasi may +2 sa class standing. Yung susulat ka lang kung ilang beses ang bilang ng noisy ng kaklase mo. At pupunuin mo ng back-to-back ang intermediate pad ng pangalan mo at "ay nangangakong hindi na mag-iingay sa klase" nang paulit-ulit. Nakakaproud kasi may authority ka at paborito ka ni Mrs. Dela Cruz. Yung susulat mo lang yung number na taya mo sa palabunutan ng sisiw na ibat ibang kulay. At yung susulat ka lang sa mga Christmas card na binili mo sa National Bookstore para sa tatay mong nasa Saudi.  Yung wala pang dahilan kung bakit ka sumusulat. Yung hindi mo pa alam na ginagamit pala ang utak at puso. Akala mo daliri at kamay lang. Walang purpose. Wala pang masyadong mataas na pangarap. Yung wala pang kwenta ang mga kwento. Yung pag nabali o napudpod ka na tatasahan lang okay na. Yung wala pang expectation para sa sarili mo kasi wala kang pakelam sa magbabasa ang importante lang sayo maintindihan nila nag penmanship mo. Yung hindi ka masasaktan sa comment ng content kasi ang concern mo lang nakapagpasa ka. Yung wala kang iniisip na kalungkutan dahil single ka. O ginamit ka lang. O pinagpalit ka sa pangit. O  mas pinili yung isa kasi malaki nag suso o daks. Yung crush crush lang uso. Wala pang lovelife. Yung wala pang responsibilidad. Wala pang maysakit sa pamilya.  Yung wala pang utang na babayaran. Yung hindi mo pa alam ang salitang Corrupt at Election. Yung lettering lang ang pinagkakaabalahan mo kaso gusto mong gayahin. Yung walang ibang makulay sayo kundi ang gelpen at stabilo. Haaayyyy..
Ang saraaaaaappp sumulat! Sumulat lang nang hindi mo alam na sumusulat ka na pala nun.
Pero wala nang sasarap pa sa panahon na yon nang sumusulat ka lang para sa puso mo hindi para sa tiyan mo. Pero ganun talaga. Yung tyan mo na ang nagdedesisyon para paganahin ang utak mo at pagalawin ang kamay mo. Wala nang pambura sa sinulat mo sa buhay mo. At kung pipilasin mo man o ibabasura ang pahina ng buhay mo, wala ng ibang papel sa buhay mo kundi ikaw. Kung sisirain mo pa, irecycle mo na lang. Plantsahin mo na lang para hindi halatang nagkamali ka. Sana ang pagsulat kagaya na lang noon.
>MadamJinkyP.

#SanaAngPagsulat #Manunulat #Akda #HugotManunulat #Akda

Comments

Popular Posts